Mga opisyal ng barangay, kabilang sa high-value targets ng PDEA-ARMM

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2018 03:39 AM | Updated as of Apr 20 2018 07:42 AM

COTABATO CITY - Siyam na opisyal ng barangay ang kabilang sa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa rehiyon ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa bilang na ito, apat ang barangay captain at lima ang barangay kagawad.

Isang kapitan ang mula Cotabato City at tatlong kapitan ang mula sa Maguindanao.

Sa hanay naman ng mga barangay kagawad, tatlo ang mula sa Cotabato City at dalawa naman sa Maguidanao.

“May two types kasi niyan, yung directly involved na either user o pusher. Yung isa naman indirectly involved which falls sa protector, alam mo may drug trade pero wala kang ginagawa to stop that," ani PDEA-ARMM Director Juvenal Azurin.

Ngayong paghahain ng kandidatura para sa mga nais tumakbo sa barangay elections, hindi umano maaaring pagbawalan ang mga kandidato kahit pa nasa listahan sila ng PDEA.

“Wala kasing existing law na pagbawalan ang individual to run kahit pa nasa list siya. The key is still up to the voters kung sino iboboto nila at wag na iboto ang alam nilang involve sa drugs," ani Azurin.

Ayon naman kay DILG-ARMM Secretary Atty. Kirby Abdullah, wala sa kwalipikasyon ng tatakbong kapitan o kagawad na dapat ay hindi ito napabibilang sa watchlist ng PDEA.

“There is nothing there na ma-disqualify ka 'pag nasa list ka or ang qualification ay dapat wala ka sa list. So technically they can still run but at their own risk. Pwede mag-talk ang DILG, PDEA and Comelec (Commission on Elections) about 'pag nasa list na validated 'di maka-run pero kailangan muna ma-put into law," ani Abdullah.

Sa tala ng PDEA, mula Enero nitong taon, isang kapitan at isang kagawad na sa Maguindanao ang naaresto dahil sa pagkakasangkot sa kalakalan ng ilegal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.