Duque sa 'malisyosong' kaso ng PAO: Bakit lusot si Ubial?

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2018 08:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dumepensa si Health Secretary Francisco Duque III sa isinampang kasong kriminal laban sa kaniya ng Public Attorney's Office (PAO) sa Department of Justice (DOJ).

"The case filed by PAO is malicious and oppressive. Atty. [Persida] Acosta's actions are clearly unbecoming of a public official and their counterproductive effects are prejudicial to the best interests of the service," matapang na sagot ni Duque sa isang press conference isang araw matapos ang paghahain ng kaso. 

Ang kaso ay isinampa ng PAO nitong Huwebes kaugnay sa pagkamatay ni Abbie Hedia, isang batang nabakunahan ng Dengvaxia noong panahon na nakaupo na si Duque bilang kalihim ng Department of Health (DOH). 

"Dapat po pala hinold na ni Duque para hindi na na-inject-an ang anak ko, pero pinagpatuloy niya kaya dapat siyang kasuhan din," ani Ruby Hedia, ina ni Abie. 

"Nakakalungkot na pag-upo po ni Duque sa halip na ipatigil niya ay tumuloy pa rin ang pagbabakuna, at meron na pong limang namatay sa pagpapatuloy ng kaniyang pagpapabakuna," paliwanag naman ni Acosta. 

Pero ayon kay Duque, wala siyang kinalaman sa implementasyon at pagpapatuloy ng dengue immunization program, at mayroon siyang mga dokumentong magpapatunay nito.

"I have nothing to do with it, kasi bago lang ako, dumating ako [sa DOH] November 7, 2017. Eh 'yung kawawang bata naturukan daw November 17, so 10 days...Wala akong kaalam-alam," paliwanag ni Duque.

Hindi rin niya isinasantabi ang posibleng pagsasampa ng libel laban sa PAO.

Ipinagtataka naman ni Duque kung bakit hindi kinasuhan ng PAO ang naunang DOH secretary na si Paulyn Ubial, gayong siya ang nagpalawig pa ng pagtuturok ng Dengvaxia. 

"I think she's equally liable because she continued it despite [knowing] the red flags, she knew there were risks...Nung na-implead ako, and not Ubial, 'yun ang malaking question mark and I find that malicious," sabi ni Duque. 

Sabi naman ng PAO, balak nilang kuhanin si Ubial bilang state witness.

"Si Ubial po nagpahayag sa amin ng willingness na maging state witness kaya hindi po siya kasali sa demanda. Nakita po namin ang kaniyang good faith," paliwanag ni Acosta. 

Nanindigan naman ang DOH na hindi muna nila gagamitin ang Dengvaxia sa bansa. Revoked na din ang certificate of product registration ng bakuna sa ngayon. 

--Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.