Albayalde, nais tumutok sa pagdidisiplina sa mga pulis

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2018 09:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pagdidisiplina sa kapulisan ang pangunahing programa ng bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Oscar Albayalde.
 
Sa unang araw ni Albayalde bilang PNP chief, binalaan niya ang mga pulis na ayusin ang kanilang trabaho dahil hindi siya magdadalawang isip na sibakin sila sa serbisyo.

Hindi na rin umano pupuwede ang mga pulis na patulog-tulog sa trabaho o nangongotong.

"Hindi tayo parang kabayo na 'pag hindi pinalo, hindi tatakbo. Hindi tayo parang jukebox na 'pag hindi hinulugan ng piso, hindi tutugtog," sabi ni Albayalde.

Binanatan din ni Albayalde ang mga kritiko ng war on drugs na una na niyang pinangakong itutuloy at palalawigin.

    Partikular niyang pinuna ang resolusyon ng European Parliament na kinokondena ang war on drugs at ang papel ng PNP rito.

"Hindi namin alam kung saan galing. Meron kasing nagsasabi may 7,000, ngayon 12,000 na naman, baka bukas makalawa, nasa 20,000 na 'yan," ani Albayalde.

Iginiit naman ng bagong hepe ng PNP na walang mapapatay sa mga operasyon kung hindi manlalaban sa pulis.

--Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.