6 magkakaanak, patay sa pananaga; salarin tinutugis

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2018 10:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kalunos-lunos ang inabot ng anim na magkakamag-anak sa Nueva Ecija na nadiskubre nitong Biyernes ng mga kapitbahay na tadtad ng taga sa iba't ibang parte ng katawan. 

Naliligo na sa sariling dugo nang makita ang tatlong lalaki at tatlong babae, na ayon sa mga residente sa barangay Tambo-adorable, San Leonardo ay wala pang isang buwan nangungupahan sa bahay. 

"Nakatulog sila doon sa inuupahang bahay at na-discover na lang ng mga kapitbahay na may mga namatay na nga po," ayon kay Senior Inspector Jackquilline Gahid, public information officer ng Nueva Ecija Provincial Police Office.

Nanginginig pa sa takot nang humarap sa media ang 17 anyos na kapitbahay na hiningan umano ng tulong ng isa sa mga nakaligtas.

"Hindi po ako makatulog nu'ng madaling araw tapos bigla na lang pong may kumalabog sa kusina, hindi ko pinansin. Nu'ng patulog na ako biglang may dumagan sa akin tapos inilawan ko po tapos naliligo na po ng dugo 'yung babae," ayon sa testigo. 

Blangko pa ang pulisya sa motibo sa pagpatay sa mga biktima pero tukoy na nila ang salarin.

Gayumpaman, ayaw muna nilang pangalanan ito habang patuloy ang imbestigasyon at pagtugis dito. 

"May mga other units po ng PNP na tumutulong sa atin para mag-conduct po ng hot pursuit operation and other operations para ma-locate itong tao na ito," ani Chief Inspector Ranny Casilla, hepe ng San Leonardo police. 

Tatlo ang nakaligtas kabilang ang dalawang menor de edad na hawak na ng Department of Social Welfare and Development habang ginagamot pa ang isa sa kanila sa ospital.
    
--Ulat ni Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.