4 patay, 8 sugatan sa naaksidenteng van sa Benguet

Marianne Claire Reyes, ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2018 12:26 PM

Photo courtesy of Leo Mercado

ITOGON, Benguet – Patay ang 4 na magkakamag-anak habang 8 iba pa ang sugatan nang maaksidente ang sinasakyan nilang van sa bayang ito, Huwebes ng gabi. 

Ayon sa mga awtoridad, naiulat sa kanila ang aksidente sa Sitio Guiset, Barangay Tinongdan pasado alas-8:00 ng gabi. 

Sama-samang rumesponde ang barangay officials, mga pulis, mga bombero ng Bokod at Itogon. Ayon sa mga rumesponde, nahirapan sila sa pagkuha ng mga bangkay na naipit ng sasakyan.

“Butas yung bubong, nakulong yung paa nung isa kaya gumamit na kami ng jack para maalis," ani Jerry Pacio, kagawad ng Barangay Tinongdan.

Ayon sa imbestigasyon, sakay ang pamilya ng isang itim na van galing Baguio at papunta sana ng Quirino Solano, Nueva Vizcaya para dumalo ng kasal at reunion.

Sa pahayag ng driver ng van, nawalan ng preno ang sasakyan.

Dead on the spot ang tatlong sakay nito na sina Gemalyn Lorenzo, 28; Julie Valencia, 52; at Antonio Bulay, 62. Sa ospital naman namatay ang senior citizen na si Alfredo Bulay.

Itinuturing naman na accident prone ang nasabing lugar, ayon sa mga lokal. 

“Dapat lagyan na ito ng barriers kasi last January nga diyan lang sa may taas ay may nahulog din na private vehicle na ikinamatay ng dalawa," ani Chief Inspector Eugene Raymundo, hepe ng Itogon police.