13 patay, 67 timbog sa Bulacan drug ops; Julio Diaz, kasama sa huli

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2018 08:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang 13 katao habang 67 ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng kapulisan kontra ilegal na droga sa Bulacan simula hatinggabi ng Biyernes. Isa sa mga natimbog ang aktor na si Julio Diaz. 

Sa San Jose del Monte, napatay ang dalawang suspek matapos umanong magpaputok sa mga pulis na nagpapanggap na bibili ng droga. Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang baril.

Napatay naman sa buy-bust operation sa Malolos, Bulacan ang itinuturing na number one sa drugs watch list sa lugar. Narekober sa suspek na kinilalang si Antonio Yamson ang P40,000 na halaga ng shabu at marijuana. 

Ayon sa Bulacan Philippine National Police (PNP), umabot na sa 571 katao ang napatay sa lehitimong buy-bust operation sa Bulacan. 

Iginigiit naman ng Bulacan PNP na sumunod sila sa operational procedure ng PNP.

Julio Diaz at drayber, huli

Samantala, kabilang naman sa naaresto ng Bulacan PNP ang beteranong aktor na si Julio Diaz at kasamang drayber na si Ronald Gomez sa bahay nito sa Langka, Meycauayan. 

Ayon sa Meycauayan PNP, kabilang sa kanilang high value target si Diaz.

Aminado naman si Diaz sa paggamit ng ilegal na droga. 

"Ako ay nahuli sa isang bisyo. Sa aking pagkakaintindi maaaring gumamit ako pero hindi ito isang bisyo na nilamon ako...ng droga," sinabi ng aktor sa panayam sa DZMM.

Matatandaang noong Hulyo 2016 ay personal na nagtungo si Diaz sa Meycauayan PNP para pabulaanan ang kaniyang pagkakalista sa drugs watch list.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act sina Diaz at Gomez.

--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.