MAYNILA — Pinagbigyan ng Las Piñas RTC Branch 254 ang motion to transfer custody para kay Joel Escorial, ang self-confessed gunman sa pagpatay sa broadcaster na si Percival "Percy Lapid" Mabasa.
Kasalukuyang nasa kustodiya siya ng Regional Special Operations Group (RSOG) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa, Taguig at nakatakdang ilipat sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Inihain mismo ni RSOG chief P/Lt. Colonel Wilfredo Sy ang mosyon.
Ayon kay Sy, walang detention facility ang kampo. At dahil sa partisipasyon at extra-judicial confession ni Escorial, mas mapoprotekhan aniya ito sa Camp Crame.
Granted ang mosyon ni Judge Harold Huliganga.
Natanggap na umano ng NCRPO ang court order sa paglipat kay Escorial, ayon kay NCRPO chief PMGen. Edgar Alan Okubo.
“Dun muna 'yung pinaka-safe na puwedeng paglagakan sa kaniya para, well, it’s a safe place para maprotektahan siya doon, and kung ano man plano sa kaniya ng gobyerno to make him a state witness dun na pagdesisyunan. Likewise, mga lock up cell lang kasi ang meron kami dito," ani Okubo.
Samantala, gaya ng sinabi ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, kinukonsidera rin ng NCRPO na “armed and dangerous” si dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag.
“Yes. They know more doon sa higher headquarters at really he is armed and dangerous. We will always be ready and take considerations din sa factors na yan. It will all depend sa manhunt operations natin. May mga separate naman na kinakausap tayo para ma-reach out siya kung puwede siya sumuko peacefully na lang to any officer na meron siyang kumpiyansa at mapagkakatiwalaan niya. We are also open to that para maharap na niya tong problema na ito,” sabi ni Okubo.
Patuloy ang man hunt at intelligence driven operations laban kina Bantag, Ricardo Zulueta at iba pang akusado kaugnay ng pagpaslang kay Percy Lapid at Jun Villamor.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.