PatrolPH

Kaso ng dengue sa Quezon City tumaas ng 176 percent

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2023 01:09 PM | Updated as of Apr 19 2023 01:17 PM

Watch more News on iWantTFC

Nakapagtala ang Quezon City ng 176 porsiyentong pagtaas ng mga kaso ng dengue sa unang 4 na buwan ng 2023, ayon sa epidemiology and surveillance unit ng lungsod. 

Ayon kay QCESU head Dr. Rolly Cruz, may 690 kaso na ng dengue na naitala sa Quezon City mula nitong Enero hanggang Abril. Nasa 19 ng mga kasong ito ang naiulat kamakailan lang. 

Isang kaso rin ang namatay sa dengue sa lungsod, aniya.

Pitong barangay sa Quezon City ang may pinakamarami umanong kaso ng dengue: Tatalon, Tandang Sora, Baesa, Bahay Toro, Batasan Hills, at Matandang Balara.

Karamihan din sa mga naitalang kaso, mga kabataan na nasa edad 1 hanggang 10 anyos, sabi ni Cruz.

"Although iyong pagtaas ay wala pa sa ating alert and epidemic threshold, masugid namin itong binabantayan... na hindi na siya mas dumami pa," dagdag pa niya.

"Sa panahon ngayon na umuulan at umiinit, yan yung isa sa mga pinapangambahan natin, dumadami kasi iyong lamok sa mga panahong ganito," ani Cruz.

Dahil dito, nanawagan si Cruz sa mga taga-Quezon City na agad ipa-checkup sa pinakamalapit na health center o ospital ang mga batang nilalagnat ng 1 hanggang 2 araw.

Wala rin daw dapat ikabahala ang mga residente pagdating sa bayarin dahil libre ang pagpapakonsulta, pagpapa-test, at pagpapagamot sa dengue sa lahat ng mga health center at 3 pampublikong ospital sa Quezon City.

"Wala po kayong dapat ikabahala na may babayaran pa kayo. Libre po ito. Wala po kayong babayaran sa ating mga health center," sabi ni Cruz.

Inabisuhan din niya ang publiko na patuloy na maging mag-ingat sa dengue sa pamamagitan ng paglilinis ng bahay at pag-aalis sa mga posibleng pamahayan ng lamok.

Nitong Martes, nagpaalala ng Department of Health (DOH) na ipatupad ang "5S strategy" bilang panglaban sa dengue.

Ito ang iilan sa mga stratehiyang iminungkahi ng kagawaran laban sa naturang sakit:

  • Search and destroy mosquito breeding sites
  • Self-protection like using of insect repellents
  • Seek early consultation at the nearest health care facility
  • Support fogging, spraying, and misting in hotspot areas
  • Sustain hydration
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.