PatrolPH

3 magkakapamilya sugatan sa pananaksak sa Batangas; suspek patay

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2022 02:34 PM

Crime scene sa San Jose, Batangas, kung saan sinaksak umano ng isang lalaki ang mag-asawa at kanilang anak. Retrato mula sa Batangas police
Crime scene sa San Jose, Batangas, kung saan sinaksak umano ng isang lalaki ang mag-asawa at kanilang anak. Retrato mula sa Batangas police

Patay ang isang lalaki matapos umanong manlaban ang ama ng pamilyang pinagsasaksak niya sa San Jose, Batangas nitong madaling araw ng Martes.

Idineklarang dead on arrival sa San Jose District Hospital si Reonel Jobog, 42, matapos umanong saksakin ni Roland Jobog, 55.

Isinugod din sa parehong ospital si Roland kasama ang kaniyang misis na si Maria Criselda, 50, at anak na si Romnick, 24 dahil umano sa pananaksak ni Reonel.

Malayong kamag-anak umano ni Reonel ang pamilya.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, alas-2 ng madaling araw nang sumugod ang lasing na si Reonel sa bahay ng pamilya at pinagbantaang papatayin si Romnick.

Puwersahan umanong sinira ni Reonel ang pinto ng bahay saka pinagsasaksak ang magkakapamilya.

Naagaw umano ni Roland ang patalim kaya nasaksak si Reonel, na ikinasawi nito.

Ayon kay Batangas police director Col. Glicerio Cansilao, tinitingnan nilang motibo sa krimen ay away sa trabaho sa pagitan nina Reonel at Romnick.

Narekober sa crime scene ang 2 kutsilyo ng suspek.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.