PatrolPH

Babaeng tumanggap ng pera bilang donasyon umano sa Marcos camp, arestado

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2022 08:02 PM

Watch more News on iWantTFC

Arestado ang isang babaeng sangkot umano sa hindi awtorisadong paghingi ng donasyon para sa partido ni presidential candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. 

Inaresto ng NBI Special Action Unit sa kaniyang bahay sa Bocaue, Bulacan ang suspek na si Caseilyn Cardenas.

Tinanggap niya umano ang P120,000 na entrapment money mula sa mga agent na nagkunwaring nagpadala ng pera.

Modus umano ng suspek na gumawa ng pekeng Facebook account ni Vic Rodriguez, spokesperson ni Marcos. Ginagamit nila ito para manghingi ng donasyon para sa mga biktima ng Bagyong Agaton.

Pero ayon kay Cardenas, inutusan lang siya ng kaibigang convict sa New Bilibid Prison na tanggapin ang pera para i-deposit. Pinangakuan din umano siya ng pera.

Itinanggi rin ng suspek na gumawa siya ng pekeng Facebook account.

"Ang sabi lang niya magkakapera tayo diyan, pero hindi ko alam na gagamitin niya para mag-solicit siya," ani Cardenas.

Tinutukoy na ng NBI ang iba pang mga suspek.

Lumalabas din umanong may nauna nang nabiktima sa scam.

Kampo mismo ni Marcos ang nagsampa ng reklamo.

Mahaharap ang suspek sa kasong identity theft at attempted estafa sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act.

Ayon din kay Rodriguez, wala siyang inutos na mag-solicit ng pera para sa kampanya.

— Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.