'Top 3 most wanted' sa Maynila arestado

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2021 05:18 PM

MAYNILA — Arestado nitong Lunes ang lalaking itinuturing na top 3 most wanted sa Maynila dahil sa kasong murder at pagiging lider umano ng isang criminal gang. 

Sa video na kuha ng Baseco police, nakaposas at binabasahan ng kanyang karapatan si Jonel Borja, 26, nang arestuhin siya sa Barangay 649, Port Area, Maynila.

Ilang buwan ring pinaghahanap ng mga pulis si Borja, na na-monitor na 5 beses nagpalipat-lipat ng bahay mula Enero. 

Isinilbi ng mga pulis ang warrant of arrest laban kay Borja para sa kasong murder at frustrated murder. 

Top 3 most wanted sa buong Maynila ang suspek, na sinasabing lider ng Borja criminal gang. Responsable umano ang kanilang grupo, sa maraming insidente ng robbery hold-up at notoryus din sa pagtutulak ng droga. 

"Ang activities po nila robbery hold-up, theft, gun running. Pagbebenta ng illegal drugs din. Sila din yung mga riot riot dito. Along Parola, Divisoria, dito din," ani Police Capt. Edwin Fuggan mula sa investigation section ng Baseco police. 

Aminado naman ang suspek sa mga krimen, pero sinabing nagawa ang mga ito dahil sa matinding pangangailangan. Dati na rin siyang nakulong.

"Dahi sa tropa rin po sir, gang po. Dahil nga po marami kami, maraming pangangailan sa buhay, nagagawa namin yun."

Hinikayat ng mga pulis ang iba pang nabiktima ni Borja na magtungo sa kanilang tanggapan para magsampa ng mga kaukulang kaso. 

—Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.