Sa kasagsagan ng Bagyong Auring noong Pebrero, abot-dibdib ang baha sa Barangay Baras sa bayan ng San Miguel, Surigao del Sur.
Isa ang residenteng si Teodoro Montero sa mga nawasak ang bahay dahil sa pananalasa ng bagyo.
Ayon kay Montero, laking pasasalamat nila ng kaniyang pamilya at na-rescue at nailikas sila ng mga taga-barangay.
Pansamantalang nakasilong ngayon sa pinagtagpi-tagping trapal at plywood ang pamilya ni Montero.
Problemado rin daw sila sa kakainin dahil kaunti ang ani ng kamoteng kahoy, na kanila ring inilalako.
Unti-unti pa rin lang bumubuti ang palayan ni Jasmine Llana matapos itong malubog sa baha at putik dahil sa Bagyong Auring.
Biyuda si Llana at siya ang tanging tumutustos sa pangangailangan ng kaniyang anak at mga magulang.
"Walang kasingsakit. Kasi sa gaya naming magsasaka, 'yon lang inaasahan namin eh. Wala kaming makain, wala kaming panghanapbuhay na iba," ani Llana.
Ayon kay Japol Montero, chairperson ng Barangay Baras, apektado ang buong barangay sa pananalasa ng bagyo at halos lahat ng palayan sa kanilang lugar ay napinsala.
Sa tulong ng lokal na pamahalaan, nabigyan ng binhi ang mga taga-San Miguel na siyang sinisimulan nilang payabungin ngayon para sa panibagong ani.
Inilapit na rin sa Department of Social Welfare and Development ang panawagang mabigyan ng financial assistance ang mga pamilyang nawalan ng tirahan.
Naghatid na rin ng dagdag na tulong ang ABS-CBN sa higit 400 pamilya sa Barangay Baras.
Dinalhan sila ng bigas at ligtas bags na magagamit kapag may sakuna.
"Kaya nga sobrang tuwa ko na kahit wala na kayo sa ere, patuloy ang inyong suporta sa mga tao," ani Japol.
"Kahit ang layo-layo na namin sa Manila pero pumunta kayo, naghatid ng tulong," dagdag niya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, public service, Pantawid ng Pag-ibig, Pilipino Para sa Pilipino, ligtas bags, ayuda, rehiyon, regions, regional news, Surigao del Sur, San Miguel, Auring, AuringPH, Typhoon Auring, TV Patrol, Bernadette Sembrano