6 pulis-Maynila sinibak matapos hulihin ang reporter na walang face mask

Jerome Lantin, ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2021 06:02 PM

MAYNILA — Kinupirma ni Manila Police District (MPD) director Brig. Gen. Leo Francisco nitong Lunes na sinibak sa puwesto ang 6 na pulis na dawit sa pagdetene sa isang reporter noong Biyernes. 

Ni-relieve sa puwesto habang patuloy ang imbestigasyon sa mga sumusunod na pulis na nakadestino sa Beata Police Community Precinct: 

  • Lt. Joel Piñon, hepe ng presinto
  • Senior Master Sgt. Jonathan Hernandez
  • Cpl. Charles Dela Torre
  • Patrolman Marvin Comboya
  • Patrolman Jonathan Abad
  • Senior Sgt. Anthony Geronimo

Sa panayam sa ABS-CBN News, sinabi ni Francisco na Biyernes ng hapon nang sitahin ng mga pulis sa isang checkpoint sa Pandacan si Lorenz Tanjoco ng Radyo Pilipinas, dahil sa hindi umano pagsusuot ng face mask.

Sinabi umano ni Tanjoco na nahulog lang ang kanyang face mask at isusuot na ulit. 

Pero nauwi ito sa pagtatalo nang mag-umpisa na umanong kumuha ng video gamit ng cellphone si Tanjoco. 

Hinuli siya at nadetene nang ilang oras bago ni-release noong Sabado.

Ayon kay Francisco, hindi na dapat nauwi sa pagkakadetene ang paglabag sa pagsusuot ng face mask at dapat ay nag-warning na lang ang mga pulis. 

Nagtalaga muna ng OIC station commander sa Beata PCP habang patuloy pa ang imbestigasyon.

RELATED VIDEO: 

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.