2 kabataan patay sa banggaan ng motorsiklo, truck sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2021 03:50 PM

Nagsalpukan ang isang motorsiklo at truck sa Guimbal, Iloilo nitong Abril 19, 2021, na ikinasawi ng 2 tao. Retrato mula sa Guimbal police

Patay ang isang motorcycle rider at angkas nito matapos sumalpok ang kanilang behikulo sa isang truck sa Guimbal, Iloilo nitong umaga ng Lunes, ayon sa pulisya.

Kinilala ang mga nasawi na sina Anthony Alexander at Kyle Dela Piedra, parehong 18 anyos.

Paliko ang truck sa kalsada sa may Barangay Igcocolo nang biglang mag-overtake ang motorsiklo at bumangga, base sa imbestigasyon ng Guimbal police.

Masyado raw mabilis ang pagpapatakbo ng mga biktima sa sinasakyang motorsiklo.

Sa lakas ng pagbangga, tumilapon pa umano ang 2 at humampas ang mga ito sa gutter ng kalsada.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang mga biktima dahil sa mga tinamong malubhang sugat at bali sa iba-ibang parte ng katawan.

Nasa kustodiya ng Guimbal police ang driver habang hinihintay ang desisyon ng mga pamilya ng mga biktima kung maghahain ng reklamo.

— Ulat ni Rolen Escaniel

FROM THE ARCHIVES:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.