Umano'y rebelde patay, 7 huli sa engkuwentro sa Iloilo: militar

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2020 01:59 PM

Patay ang isang hinihinalang rebelde habang nahuli naman ang 7 niyang kasamahan matapos nilang makaengkuwentro ang mga sundalo sa bayan ng Miagao, Iloilo noong Sabado, ayon sa militar.

Pero itinanggi ng Southern Front Panay ng Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA) na galing sa kanilang grupo ang napatay at mga nakaengkuwentro ng mga sundalo.

Nangyari ang engkuwentro pasado alas-10 ng umaga sa Sitio Anoy, Barangay Cabalaunan, ayon kay Captain Cenon Pancito III, spokesperson ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang tropa ng gobyerno mula sa mga residente sa lugar ukol sa pangingikil at pagre-recruit ng mga miyembro ng Komite ng Rehiyong Panay ng CPP-NPA.

Nakaengkuwentro umano ng mga sundalo ang nasa 40 hinihinalang rebelde. Kasama sa 7 nahuli ang isang menor de edad.

Narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang sari-saring mga baril, armas, pampasabog, at iba pang mga pag-aari ng umano'y mga rebelde.

Sa pahayag naman ng Southern Front Panay, pinasinungalingan nila ang ulat ng militar at sinabing mga sibilyan ang mga nakaengkuwentro ng mga sundalo.

Itinanggi rin ng grupo na nagre-recruit sila ng mga menor de edad.

-- Ulat ni Cherry Palma, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.