Militar umaming may paghahanda sa mala-martial law na tugon vs COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2020 05:06 PM | Updated as of Apr 19 2020 09:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Inamin ng militar nitong Linggo na lehitimo ang kumalat na internal memorandum ng Philippine Air Force (PAF) kung saan pinaghahanda ang mga ito para sa "mala-martial law" na papel ng mga awtoridad bilang tugon sa krisis sa COVID-19.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Brig. Gen. Edgard Arevalo, tunay ang dokumentong kumalat sa website na reddit.com noong Abril 17.

"Per my conversation with the Commanding General of the Philippine Air Force, that document is an internal memo issued for the purpose of providing advance information to give guidance to personnel—in this case the PAF," sabi ni Arevalo.

Sa naturang memo, inuutusan ng PAF ang kanilang mga tauhan na maghanda sa mas istriktong pagpapatupad sa extensive enhanced community quarantine kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes.

Sa kaniyang public address noong Huwebes, maaalalang nagbabala si Duterte ng "martial law-like" lockdown kapag nagpatuloy pa ang aniya'y pagsuway ng ilan sa quarantine.

Depensa ni Arevalo, ang memo ng PAF ay base lamang sa pahayag ni Duterte at walang dapat ipag-alala dito.

"Sa ngayon wala pa na namang utos ang Pangulo na mag-deploy na... The order or instruction has been broadcast live nationwide. The AFP took cognizance of the order and already prepares for it even before the order to deploy is given. That, we suppose, makes the AFP unique and dependable as an institution because of initiative and foresight," sabi ni Arevalo.

Nauna nang umalma ang ilang rights group sa tila ba mala-militar na tugon ng pamahalaan sa isang health crisis tulad ng COVID-19.

"We are not at war. We are in a state of defending a life with dignity of peoples and communities... Because of the failure of the State to use the rights-based approach and to come up with a comprehensive, integrated plan to address the COVID pandemic, talagang ito ay hindi kataka-takang humantong sa mga paglabag sa mga karapatang pantao," ani Dr. Nymia Pimentel Simbulan, chairperson ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates.

—Mula sa ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.