Mag-ama timbog sa sinalakay na sabungan sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2020 02:43 PM | Updated as of Apr 19 2020 08:31 PM

Watch more in iWantTFC

Sinalakay nitong umaga ng Linggo ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang ilegal na sabungan sa isang dumpsite sa Tanza, Cavite, kung saan 2 ang naaresto.

Habang papalapit pa lang ang mga taga-CIDG sa gate ng sabungan sa Barangay Sahud Ulan, may nakasigaw agad umanong lookout kaya nakatakbo ang mga sabungero.

Naaresto ng mga awtoridad ang mag-amang Romeo at Robert Natural, na itinangging kasama sila sa mga nagsasabong.

Ayon kay Romeo, mga dayo mula sa karatig-bayan ng Naic ang nagsasabong sa naturang lugar.

Ayon kay Police Lt. Elbert Santos, deputy chief ng CIDG-Cavite, tinitingnan nila kung may mga sangkot na lokal na opisyal sa nangyaring pasabong.

Nangako rin si Tanza Mayor Yuri Pacumio na paiimbestigahan kung may lokal na opisyal na nasa likod ng pasabong.

Kinumpiska ng mga awtoridad ang 15 manok panabong, kung saan karamihan ay patay na, at mga motorsikong iniwan ng mga nagtakbuhang sabungero.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.