Ginang patay matapos tanggihan gamutin ng 8 ospital sa 3 siyudad

Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2020 07:26 PM | Updated as of Apr 20 2020 09:22 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Hustisya ang panawagan ng mga kaanak ng isang ginang na namatay sa karamdaman matapos umanong tanggihan ng 8 ospital sa 3 lungsod na kanilang inikot para magpagamot.

Hindi pa rin makapaniwala si Jesus Barros sa biglang pagkamatay ng kanyang misis na si Josefina.

Noong Lunes ng madaling araw, nakaranas ng matinding pananakit ng tiyan si Josefina at isinugod sa isang pribadong ospital sa Quezon City.

Agad itong dinischarge dahil wala raw kakayahan ang ospital para gamutin ang sakit ng ginang.

Sunod silang pumunta sa isang ospital sa Maynila pero tumanggi rin itong i-admit ang pasyente dahil kailangan pa umano ng permiso mula sa direktor ng pagamutan.

Napilitan tuloy ang mga kaanak na umikot sa iba't ibang ospital sa Quezon City at Caloocan dahil walang tumatanggap sa kanilang pasyente.

Meron pa raw nanghingi ng P30,000 na down payment bago ma-admit ang pasyante.

Hanggang sa bumagsak daw ang blood pressure ni Josefina at binawian ng buhay sa loob ng ambulansiya.

"Nakakagalit... Hindi maganda ang pagtrato sa amin, hindi talaga naisalba ang asawa ko," sabi ni Jesus.

Ayon sa Department of Health, dapat mino-monitor ng lokal na pamahalaan ang mga pagamutan sa kanilang lugar para masigurong natutugunan nila ang mga pasyente lalo na kung emergency ang kaso kahit pa may krisis ngayon dahil sa COVID-19.

Depensa naman ng grupo ng mga pribadong ospital, mas masalimuot ngayon ang proseso ng pag-a-admit ng mga pasyente dahil sa pandemic.

"Hindi kami magre-refuse ng pasyente kung meron din lang kaming facilities o beds na available pa. Because kung wala kang tao you will be giving more risk to the patient kung mag-iintay siya sa emergency room baka magkahawa-hawa sila doon," sabi ni Dr. Rustico Jimenez, presidente ng Private Hospitals Association of the Philippines.

Umaasa naman ang pamilya Barros na magkaroon ng pagbabago sa sistema ng mga ospital nang hindi na raw mangyari sa iba ang naging mapait nilang karanasan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.