COVID-19 cases sa Pilipinas umabot sa 6,259

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2020 04:58 PM | Updated as of Apr 19 2020 06:59 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Tumaas sa 6,259 ang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa matapos magpositibo sa sakit ang 172 tao, sabi ngayong Linggo ng Department of Health (DOH).

Umabot naman sa 572 ang kabuuang bilang ng mga gumagaling sa sakit dahil sa karagdgaang 56 habang umakyat sa 409 ang nasawi matapos makapagtala ng 12 bagong pagkamatay, ayon sa DOH.

Samantala, sinabi naman ng infectious disease specialist na si Raul Destura na magsisimula na sa Lunes ang unang testing ng na-develop nilang test kits sa University of the Philippines
-National Institute of Health (UP-NIH)

Umabot na rin umano sa 6,000 hanggang 8,000 ang na-manufacture na test kits ng UP-NIH kada araw.

Ayon kay Destura, tanging certified testing labs ng DOH ang pagbebentahan ng kits.

Sasailalim din umano sa training ang mga tauhan ng mga local government unit o mga laboratoryo na mabibigyan nito.

Tiniyak naman ni Health Undersecretary Rosario Vergeire na patuloy ang pamimigay ng mga personal protective equipment (PPE) sa mga ospital.

Nasa 900,000 umano ang napo-procure ng pamahalaan na PPE kada buwan, bukod pa sa mga donasyon.

Samantala, nilinaw ni Vergeire na kailangan pa ring magpahinga nang 2 linggo sa bahay ng mga gumaling sa COVID-19.

Sa mga nag-aalaga naman sa COVID-19 patients na naka-home quarantine, nagpaalala si Vergeire na magsuot pa rin ng PPE kapag kinukuha ang mga mask, at iba pang health care waste ng mga pasyente at dalhin ito sa mga ospital o laboratoryo para sa tamang disposal.

-- May ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.