COVID-19 bayanihan: Grupo nagtayo ng community kitchen sa QC

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2020 04:28 PM

MAYNILA — Maaga pa lang noong Sabado, abala na sa pagluluto ang mga volunteer ng grupong Tulong Kabataan sa may Barangay Central, Quezon City.

Inihahanda nila ang pagkain para sa higit 200 pamilya na naapektuhan ng enhanced community quarantine, na ipinatupad sa buong Luzon para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

May 2 linggo nang nagluluto ng pagkain para sa apektadong pamilya si Mercedita Sabangan, volunteer sa Tulong Kabataan.

Noong Sabado, binigyan ng grupo ng mga ulam mula sa gulay at meryendang ginataang bilo-bilo ang mga taga-Barangay Central, ayon kay Sabangan.

Kabilang sa mga nabigyan ng grupo ang labandera na si Milagros Steves.

Nagpapasalamat si Steves sa tulong lalo at wala na raw silang makain.

Para maiwasan ang mahabang pila ng mga residente, mismong ang volunteers na ang nagbabahay-bahay para ipamigay ang pagkain.

Sa Quezon City, umabot na sa 1,042 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19, kung saan 90 ang namatay habang 87 ang gumaling.

Tuloy-tuloy rin ang pamamahagi ng grupong Bayan Muna sa ilalim ng kanilang programang Bayang Matulungin.

Ayon sa grupo, sisikapin nilang makapamigay ng tulong sa mga apektado ng lockdown sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.