PatrolPH

3 sundalo patay, 4 sugatan sa engkuwentro sa NPA sa Negros Occidental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2020 07:28 PM

Patay ang tatlong sundalo ng 94th Infantry Battalion ng 303rd Infantry Brigade samantalang apat naman ang nasugatan sa nangyaring engkwentro laban sa mga miyembro ng New People's Army sa Himamaylan City, Negros Occidental, Linggo ng umaga.

Ayon sa militar, nagsasagawa umano ng security patrol ang tropa dahil sa mga report ng pangingikil ng rebeldeng grupo.

Ayon kay Major Franco Ver Lopez, Civil-Military Operations officer ng 303rd bde, habang nagpapatrolya ay bigla nalang umanong nagpaputok ang mga rebelde.

Sa gitna ng putukan ay bigla rin umanong sumabog ang isang improvised explosive device na naging sanhi ng pagkasawi ng tatlong sundalo.

Pero sa pahayag naman ng NPA, sinabi nila na may isinagawa silang community health campaign nang biglang umatake ang mga sundalo kaya sila lumaban ng putukan.

Umabot nang 30 minuto ang nangyaring engkuwentro.

Dumating na rin sa Bacolod City ang mga nasawi at mga sugatang army at agad din silang isinugod sa ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.