2 patay, 19 naospital dahil umano sa food poisoning sa Negros Oriental

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2020 06:02 PM

Inutusan na ng alkalde ng bayan na sampahan ng kaso ang may-ari ng kalabaw na sanhi umano ng food poisoning. Photo courtesy of Tayasan Municipal Health Office

TAYASAN, Negros Oriental — Patay ang 2 menor de edad habang nasa pagamutan naman ang 19 iba pa matapos umano silang ma-food poison sa bayan na ito noong Biyernes.

Ayon kay Assistant Provincial Health Officer Dr. Liland Estacion, isang pamilya sa Barangay Bago ang kumatay ng kanilang namatay na kalabaw noong Abril 13 at ipinamigay ang karne nito sa mga residente kapalit ng bigas.

Base sa record ng Tayasan Municipal Health Office (MHO), namatay sa kanilang bahay ang 2 taong gulang at 15 taong gulang na mga biktima matapos kumain ng karne ng kalabaw.

Nasa 19 tao naman ang dinala sa ospital matapos makaramdam ng pananakit ng tiyan at may 39 residente naman na binigyan din ng gamot nga MHO pero hindi na pinadala sa pagamutan.

Ayon kay Dr. Myrasol Zuniega ng Tayasan MHO, may 50 mga residente rin silang na-record na kumain din ng karne pero hindi naman nakaramdam ng pananakit ng tiyan.

Inutusan na ng alkalde ng bayan na sampahan ng kaso ang may-ari ng kalabaw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.