PatrolPH

TINGNAN: Pawikang nangingitlog sa baybayin ng Davao

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2019 01:07 PM

TINGNAN: Pawikang nangingitlog sa baybayin ng Davao 1
Nasaksihan ng ilang residente ang pangingitlog ng isang pawikan sa baybaying dagat ng Sitio Malatabis, Lizada sa Toril, Davao.

DAVAO CITY – Nakuhaan ng retrato ang isang pawikan habang ito ay nangingitlog sa baybayin ng Sitio Malatabis sa Lizada, Toril, Miyerkules ng gabi.

Ayon sa residenteng si Roselyn Binghay, dakong alas-9 ng gabi nang mapansin nila ang pawikan at bumalik din naman agad ito sa dagat matapos ang pangingitlog.

Kuwento ni Binghay na nagpahangin sa dalampasigan ang kaniyang bayaw at napansin ang pawikan na una nitong inakalang kahoy. Agad silang tinawag ng bayaw para makita ang pawikan habang nangingitlog.

Nilagyan na ng bakod ang paligid ng turtle nest upang hindi ito mahukay ng aso o magalaw ng mga tao.

Nakipagtulungan na ang barangay sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang ma-protektahan ang mga itlog ng pawikan.

Samantala, aabot naman sa 94 na hatchlings ng hawksbill sea turtle ang pinakawalan sa Cleanergy Park Marine Protected Area sa Dumalag, Matina Aplaya, Huwebes ng hapon.

Karamihan sa nag-release sa hatchlings sa dagat ay mga bata para maturuan silang ingatan ang biodiversity at alagaan ang mga endangered species gaya ng pawikan.

Nananawagan naman ang tagapangasiwa ng parke sa publiko na huwag magtapon ng basura sa dagat upang hindi makain ng pawikan na maaaring ikamatay nito.

Ngayong taon, aabot sa 196 na hatchlings ng hawksbill turtle na ang na-release mula sa Cleanergy Park na pinapangasiwaan ng Aboitiz Foundation at Davao Light and Power Company.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.