Tagle nagbabala kontra sa ‘naninindak, pasigaw-sigaw lang’

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2019 09:13 PM

Ipinaalala ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na sa gitna ng ingay na ito ng mga sumisigaw at naninindak, katahimikan naman ang naging sagot ni Hesus. File/Maria Tan, ABS-CBN News

MAYNILA—Nagbabala si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle laban sa mga gumagamit ng sigaw at sindak para pagtakpan ang katotohanan.

Sa kaniyang homiliya ngayong Biyernes Santo, kung kailan inaalala ng mga Kristiyano ang pagkamatay ni Hesus sa krus, nagpahayag ng pagkabahala si Tagle sa nagiging kalakaran kung saan idinadaan na lang ang mga bagay sa palakasal ng sigaw.

"Sa mundo natin ngayon dinadaan na na sa sigawan, unahan lang sa paninindak," sabi ng arsobispo. "Ganyan ang istratehiya, patayin sa sindak, manindak ka at mamatay sila."

Ipinaalala ng kardinal na sa gitna ng ingay na ito ng mga sumisigaw at naninindak, katahimikan naman ang naging sagot ni Hesus.

"Si Pilato nakita n'ya dapat palayain na si Hesus pero sa sigaw natakot siya, nagpadala siya samantalang dumating sa punto si Hesus hindi na sumagot," sabi pa ni Tagle.

"Ang panlaban niya sa sigaw ay ang katahimikan, katahimikan ng isang tao na hindi na kailangang magdepensa sa sarili dahil nasa kanya ang katotohanan."

Kaya naman mensahe ng kardinal sa mga mananampalataya, lalo na sa mga kabataan dahil ipinagdiriwang ngayong ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ay Year of the Youth, huwag maging marahas at maging "bully" sa kapwa dahil sa huli, ang katotohanan ay mananaig kahit sa katahimikan.

"Isipin ninyo ang nagpapatay kay Hesus mga naninindak, pasigaw sigaw lang. Ang ating manliligtas tahimik dahil ang katotohanan ang mananaig," sabi pa ng arsobispo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.