Retiradong pulis dinukot umano sa Bacolod

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2019 07:51 PM | Updated as of Apr 20 2019 11:04 AM

(2ND UPDATE) Isang retiradong pulis ang umano'y dinukot ng di bababa sa 7 armadong tao sa isang hotel sa lungsod ng Bacolod Biyernes ng umaga.

Ayon kay Police Capt. Leo Estopa ng Bacolod police, may ilang testigo umano ang nakakita na sapilitang isinakay sa puting van si retired Police Maj. Lito Pirote habang palabas ito ng Metro Inn Hotel.

Dagdag pa ni Estopa, dinisarmahan daw ng mga kidnapper ang mga security guard ng hotel at binantaan din ang mga nakasaksi na huwag makialam. 

Ayon naman sa blotter report, base sa salaysay ng anak ng biktima na humihiling na huwag siyang pangalanan, nakasuot ng face mask at bulletproof vest ang mga salarin. 

Dalawa raw sa mga ito ang nagsilbing lookout habang ang 5 ay sapilitang nagsakay kay Pirote sa van.

Hinampas din umano sa ulo ang biktima ng di pa natutukoy na bagay.

"There were bloodstains on the floor of the hotel lobby and the witnesses said the blood most probably was that of the victim because he was hit my one of the suspects with still an unidentified object on the head," ani Estopa. 

Base sa imbestigasyon, ang iba sa mga kidnapper ay may bitbit na mahahabang baril at nakadamit pansibilyan. 

Nilinaw naman ng pamunuan ng Metro Inn Hotel na hindi naka-check in ang retiradong pulis at bagkus ay may dinalaw lang na guest.

Nakuha naman ng mga awtoridad ang plate number ng getaway van ng mga salarin at sinusubukan na ring suriin ang mga CCTV sa paligid.

—Ulat ni Yasmin Dormido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.