Caluya Shrine sa Misamis Occidental, puntahan din ng mga deboto

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2019 12:19 PM

Sa Caluya Shrine sa Misamis Occidental din nagtutungo ang mga debotong ginugunita ang Mahal na Araw. Dynah Diestro, ABS-CBN News

SAPANGDALAGA, Misamis Occidental - Dinadayo ngayon ng mga deboto ang Caluya Shrine para sa paggunita ng Semana Santa.

Halos 200 baitang ang aakyatin ng mga deboto upang marating ang paanan ng 55- talampakang taas ng imahe ng Jesus Christ the Redeemer na replika ng nasa Rio de Janeiro sa bansang Brazil.

Animo’y nakadungaw at nagbabantay sa karagatan, ilog at kabundukan na sakop ng bayan ang shrine.

Sariwa ang hangin at tahimik ang lugar kaya’t mainam na magnilaynilay habang minamasdan ang magandang tanawin.

Ayon sa Municipal Tourism Office ng Sapangdalaga, kabilang na sa tourist destinations ng lalawigan ang shrine simula nang maitayo ito noong 2013.

“Away from the noise from the city, tanaw natin dito ang Murcielagos Bay, Casul Bay, then kung hindi maulap kita din natin ‘yong Mt. Malindang at part ng bayan ng Baliangao,” sabi ng municipal tourism staff na si Lourey Jhon Arandoga.

Taun-taon, nasa 4,000 deboto ang naitatalang pumupunta sa shrine para magdasal lalo na tuwing Mahal na Araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.