37 sugatan sa salpukan ng 3 sasakyan sa CamSur

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2019 07:17 PM | Updated as of Apr 19 2019 08:25 PM

Del Gallego police

DEL GALLEGO, Camarines Sur—Sugatan ang 37 katao sa salpukan ng 3 sasakyan sa bayang ito Biyernes ng hatinggabi.

Ayon kay Police Capt. Chester Enriquez ng Del Gallego police, nag-overtake ang pampasaherong bus na Raymond Bus sa isang Toyota Innova sa Barangay Pasay.

Nahagip nito ang kasalubong na isa ring pampasaherong bus na Isarog Bus. Tumama naman ang Isarog Bus sa Toyota Innova.

Nakuhanan sa dashcam ng Toyota Innova ang pag-overtake ng Raymond Bus na galing Maynila at patungong Camarines Sur.

Dalawa ang sugatan sa Toyota Innova at 11 naman sa Isarog Bus.

Dalawampu't apat na pasahero naman ng Raymond Bus ang nasaktan, pero 2 ang matinding nasugatan at kailangang operahan.

Nasa kustodiya ng Del Gallego police ang drayber ng Raymond Bus na kinilalang si Alex Marco na tumangging magbigay ng kaniyang pahayag sa insidente. — Ulat ni Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.