Walang 'bata,' backer sa rigodon sa PNP: Albayalde

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2018 01:24 PM

Sa nakatakdang unang araw ng kaniyang panunungkulan bilang hepe ng Philippine National Police (PNP), balasahan agad ang inanunsiyo ni Director Oscar Albayalde.

Apat na matataas na posisyon ang magkakaroon ng mga bagong pinuno, kabilang na ang National Capital Region Police Office (NCRPO), ang opisinang lilisanin ni Albayalde.

Napili ni Albayalde na pumalit sa kaniya si Police Director Camilo Cascolan, na kasalukuyang hepe ng Directorate for Operations ng PNP sa Camp Crame.

Ang unit ni Cascolan ang siyang nangangasiwa sa kontrobersiyal na Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel ng pulisya.

Magkaklase sina Albayalde at Cascolan sa Philippine Military Academy (PMA) Sinagtala Class of 1986, kung saan kaklase rin nila si outgoing PNP chief Ronald Dela Rosa.

Itinanggi naman ni Albayalde na ang ugnayan nila ni Cascolan ang nag-udyok sa kaniyang gawin itong NCRPO chief. Di rin daw naging batayan ang dating pagkakatalaga ni Cascolan sa Davao region.

"Hindi nakialam dito ang Presidente...Sabi naman talaga niya hindi siya makikialam. Naging commander naman si Cascolan before," paliwanag ni Albayalde sa programang Bandila sa DZMM TeleRadyo Miyerkoles, bisperas ng kanyang pag-upo bilang PNP chief.

Ang hepe ng Police Regional Office (PRO) Calabarzon na si Chief Superintendent Ma.O Ranada Aplasca naman ang papalit sa puwesto ni Cascolan. Si Aplasca ay isa ring tubong Davao.

Samantala, hahalili naman sa kaniya bilang hepe ng Calabarzon si Quezon City Police District (QCPD) Director Guillermo Eleazar.

Dagdag ni Albayalde, si Chief Superintendent Joselito Esquivel Jr. ang magiging bagong hepe ng QCPD.

Ngayong Huwebes nakatakdang manumpa bilang ika-22 PNP chief si Albayalde.

--Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.