P4-M halaga ng umano'y cocaine nasabat sa Eastern Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2018 05:17 PM | Updated as of Apr 19 2018 07:09 PM

GUIUAN, Eastern Samar - Nasabat ng pulis ang 4 kilo ng hinihinalang cocaine sa Barangay Sulangan sa bayang ito Lunes.

Nakuha ang ilegal na droga matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang residente noong Lunes, ayon kay Senior Superintendent Leonardo Suan, deputy director for operations ng Police Regional Office 8.

Nakabalot sa brown na papel ang mga pakete, at may lamang puting powder, ayon kay Chief Inspector Wilmer Dadia, hepe ng Guiuan Municipal Police Station.

Ang bawat bloke ay may timbang na isang kilo at tinatayang aabot sa P4 milyon ang kabuuang halaga.

Nakita umano ito ng nasabing residente sa may dalampasigan habang naglalakad.

Agad na nagsagawa ng spot examination ang awtoridad at lumalabas na cocaine ang laman ng pakete. Dinala rin ito sa regional crime laboratory para kumpirmahin ang laman nito.

Hinihinalang kasama ang mga paketeng ito sa nakuhang cocaine sa karagatan ng Quezon noong Linggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.