Mga manggagawa sa Boracay, nangangamba sa job mismatch

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2018 08:04 PM | Updated as of Apr 19 2018 09:17 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nangangamba ang ilang manggagawa sa Boracay na apektado sa pagsasara ng isla na baka hindi akma sa kanilang mga kakayahan ang ibibigay na mga trabaho ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Patuloy na kinakalap ng DOLE ang impormasyon ng mga nagtatrabaho sa Boracay para sa isasagawa nilang emergency employment bago isara ang isla sa Abril 26.

Kabilang sa mga kinukuhanan ng profile ang mga manggagawa mula sa informal sector gaya ng mga masahista, tattoo artist, at mga nagtitinda. Pero nababahala ang iba sa kanila dahil posibleng hindi kayanin ang trabahong ibibigay ng gobyerno.

"Mahirap maghanap ng trabaho ngayon dahil sa 'kin may high blood, bawal sa 'kin mabigat na trabaho," sabi ng pedicab driver na si Joey Guro. 

"Matanda na ako. Hindi ko talaga kaya itong tulad ng mga konstruksiyon," ani Ibrahim Baraucol, tindero ng perlas.

Pero ayon kay Salome Siaton, assistant regional director ng DOLE sa Western Visayas, pawang may kinalaman sa rehabilitasyon ng isla ang mga trabahong ibibigay nila, gaya ng pagtatanim ng mga mangrove.

Nasa 5,000 ang target ng DOLE na ma-profile para sa emergency employment, ayon kay Siaton.

Nasa 36,000 katao ang mawawalan ng kabuhayan sa pagpapasara ng isla, ayon sa mga stakeholder. Kasama rito ang 17,000 empleyado ng mga hotel at resort, at 19,000 mula sa informal sector.

Bibigyan din ang mga katutubong Ati ng trabahong tatagal ng 30 araw.

May job fair namang idaraos sa Abril 26 sa Kalibo, Aklan para sa mga full-time employee sa Boracay.

Nangangailangan din ang DOLE ng 200 katao para sa kanilang government internship program. 

Nagdesisyon ang pamahalaan na isara ang Boracay sa loob ng anim na buwan upang isaayos at linisin ang isla na napinsala ng polusyon at mga estrukturang lumabag sa mga batas pangkalikasan.

-- Ulat ni Nony Basco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.