Mga barangay na walang residente, kasama pa rin sa halalan: Comelec

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2018 11:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Wala na halos nakatira sa ilang maliliit na barangay sa Pilipinas at ang iba ay mayroon pang "zero population."
     
Halimbawa rito ang Barangay 653 sa Port Area, Maynila na nasa 50 na lang ang residente matapos gamitin ng gobyerno ang lupa para sa Philippine Ports Authority.

"Dati ang area namin puno ng squatter, na-relocate sila pero 'yung iba dito pa rin bumoboto, dito pa rin kasi ang trabaho sa loob ng pier," ayon sa kagawad ng barangay na si Nelia Morales.

Ang Barangay Roxas Village sa Iloilo City, halos wala na ring naninirahan dahil sa mga ipinatayong gusali at mall.

Sa datos ng Commission on Elections (Comelec), mayroon itong 176 registered voters kahit halos 26 na lang ang naninirahan sa lugar.

Pero ang noo'y tinaguriang "smallest barangay" sa Pilipinas na Barangay 630 sa Sta. Mesa, Maynila, dating tent lang ang opisina at 38 ang nakalistang pamilya. Ngunit makalipas ang ilang taon, umusbong ito at ngayon ay mayroon nang 2,000 residente dahil sa mga condominium.

"Hindi na kami ang smallest barangay ngayon," pagmamalaki ni barangay secretary Ric Lopez.
 
Ang pinakamaliit na barangay ngayon ay ang Barangay 99 sa Vitas Tondo sa Maynila. Zero ang populasyon nito sa nakalipas na limang taon dahil na-relocate na ang iba sa Bulacan noong 2013.

Pero kahit pa walang nakatira sa barangay, tumatanggap pa rin ito ng P1.5 milyon na pondo taon-taon.

"Napagkakasya lang sa council [ang pera], sahod ng mga kagawad. Ang nagiging proyekto lang namin po, 'yung paglilinis ng drainage," ani Barangay 99 Captain Jaime Wycoco.

Pero ayon sa Comelec, hangga't walang batas na bumubuwag sa mga barangay na ito ay tuloy pa rin ang eleksiyon at puwede pa rin bumoto ang mga rehistradong botante dito. 

--Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.