Jeep biyaheng-SC bitbit ang Robredo supporters, hinuli ng LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2018 11:14 AM | Updated as of Apr 19 2018 09:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naging mainit ang palitan ng salita sa pagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at mga miyembro ng grupong Kilusang Maralita matapos parahin ang kanilang jeep sa Quezon Avenue nitong Huwebes ng umaga.

Ayon kay board member Atty. Aileen Lizada, "out of line" daw ito at walang kinuhang permit upang bumiyahe maliban sa pamamasada.

Pero depensa nila, "freedom of expression" ang kanilang ginagawa dahil "special service" ito ng mga nagra-rally patungo sa Supreme Court (SC) para sumuporta kay Vice President Leni Robredo.

"Ang tagal na namin ginagawa ito. Panahon pa nina [former Presidents] FVR (Fidel Ramos), Cory [Aquino], GMA (Gloria Macapagal-Arroyo), Erap [Estrada]. Freedom of expression ito," giit ni Nestor Lyarano, isa sa mga nahuli.

Sagot ni Lizada, kolorum pa rin ang mga ito dahil hindi sila kumuha ng special permit.

"Di ibig sabihin na you have freedom of expression, you can do whatever you want to do. Okay lang naman kahit special service. Kasal, magsi-swimming, binyag. Pero dapat kukuha ng permit," ani Lizada.

Ilan lamang ito sa mga ginawang paghuli ng pinagsamang puwersa ng LTFRB, Land Transportation Office (LTO), Highway Patrol Group, at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa mga lumalabag sa batas-trapiko.

Bukod sa Quezon City, binagtas din ng grupo ang Marcos Highway sa may Antipolo. Nasampolan ang isang UV express na namamasada kahit kolorum.

Ang isa namang van, hinuli dahil overloading at siksikan na ang mga pasahero sa loob.

Depensa ng driver na si Sancho Ricaro, pinabababa na niya ang mga pasahero pero ayaw ng mga ito. Sabi ng isang pasahero, sila ang nagpumilit sumakay dahil nagmamadali sila.

Mula P50,000 hanggang P1 milyon umano ang multa ng mga lumabag depende sa uri ng sasakyan at klase ng violation, ayon sa LTFRB.

Samantala, nagbabala naman ang LTFRB na hindi rin nila palalampasin ang mga driver ng transport network vehicle service (TNVS) na naniningil higit sa napagkasunduan.

--Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.