Higit 60 bahay, nasunog sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2018 05:52 AM

MAYNILA - Nasunog ang higit sa 60 bahay sa Christ the King Subdivision sa Barangay Talon Kuatro, Las Piñas City.

Higit sa 100 pamilya ang apektado ng sunog na karamihan ay walang naisalbang gamit.

Sumiklab ang sunog pasado alas-11 Miyerkoles ng gabi, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Umabot ito sa ikaapat na alarma na dahilan para tumulong ang mga bombero mula sa Cavite at Laguna.

Pahirapan din ang pagresponde sa lugar dahil masikip ang daanan nito.

Nagkataon pang nagkaroon ng water interruption sa Las Piñas at iba pang karatig bayan simula kagabi.

Idineklara ng BFP na kontrolado ang sunog alas-2:30 Huwebes ng madaling-araw. Ngunit muling sumiklab ang apoy dahil hindi tuloy-tuloy ang pagdating ng tubig.

Pansamantalang nanunuluyan sa basketball court ng subdivision ang mga apektadong residente. - ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.