Duterte, may ibinilin kay Albayalde sa pag-upo sa PNP

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2018 10:40 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang seremonya sa pagpapalit ng hepe ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame nitong Huwebes ng hapon.

Itinalaga bilang ika-22 hepe ng pambansang pulisya si Police Director General Oscar Albayalde na dating pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Kaklase ni Albayalde sa Philippine Military Academy (PMA) Sinagtala Class of 1986 ang nagretirong si dating PNP chief Ronald Dela Rosa.

Bilin ng Pangulo sa bagong hepe ng PNP, ipagpatuloy ang giyera laban sa ilegal na droga ng pamahalaan.

Una nang nangako si Albayalde na mas paiigtingin pa ang war on drugs at ipagpapatuloy ang internal cleansing program ng PNP.

Inanunsiyo rin ni Albayalde ang mangyayaring balasahan sa pulisya.
    
Napili niyang italaga sa NCRPO si Police Director Camilo Cascolan na kasalukuyang hepe ng Directorate for Operations ng PNP sa Camp Crame.
    
Ang unit ni Cascolan ang siyang nangangasiwa sa kontrobersiyal na Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel ng pulisya.
    
Magkaklase sina Albayalde at Cascolan sa PMA.
    
Pero nilinaw ni Albayalde na walang kinalaman ang pagiging magkaklase nila at pagiging dating operations chief ni Cascolan sa Davao region kaya siya napiling maging bagong hepe ng NCRPO.

"Hindi nakialam dito ang Presidente...Sabi naman talaga niya hindi siya makikialam. Naging commander naman si Cascolan before," sinabi ni Albayalde sa programang Bandila sa DZMM TeleRadyo Miyerkoles, bisperas ng kanyang pag-upo bilang PNP chief.

Papalitan naman ng tubong-Davao at Calabarzon Police Chief Ma.O Aplasca si Cascolan bilang Director for Operations.
    
Papalit naman bilang hepe ng Calabarzon si Quezon City Police District (QCPD) Director Guillermo Eleazar.
    
Babala ni Albayalde, hindi sya magdadalawang-isip na sibakin sa puwesto ang sinumang opisyal na hindi maaabot ang performance standards ng PNP.
    
Paiimbestigahan din niya ang nawawalang pondo ng Special Action Force (SAF).

--Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.