Dahil ipinasa sa Kongreso ang isyung 'endo', Palasyo, tinawag na 'paasa'

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2018 09:33 PM | Updated as of Apr 20 2018 12:07 AM

  • Isesertipika na lamang bilang 'priority' ang 'security of tenure' bill
  • Palasyo: Natupad ang pangakong tapusin ang '5-5-5 endo'
  • 'Employers lalayas kung napirmahan ng pangulo ang EO'
Watch more in iWant or iWantTFC

Tinawag ng isang kongresista na "paasa" ang Palasyo matapos nitong sabihing hindi na matutuloy ang pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa executive order (EO) o kautusang tuluyang magwawakas sa "endo" o sistemang end-of-contract.

Alegasyon ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, "pinasakay" lang ng Malacañang ang mga manggagawa na pinangakuang hindi na makararanas ng endo.

"Pinasakay at pinaasa lang talaga ng Malacañang ang mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor sa usapin ng pagtanggal sa ENDO. Paasa lang talaga sila," ani Zarate.

Nitong Huwebes, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi na matutuloy ang pagpirma ni Duterte sa EO kontra endo.

Endo ang tawag sa paulit-ulit na pagsailalim ng mga manggagawa sa iilang buwang kontrata lamang sa trabaho kaya hindi sila nagiging regular na empleyado at nagkakaroon ng benepisyong ibinibigay sa regular na manggagawa. 

Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, nagdesisyon si Duterte na huwag nang ituloy ang pagpirma kasunod ng konsultasyon ng Pangulo sa kanila ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

"The consensus was that instead of the President signing an executive order on the issue of contractualization, he will instead certify as a priority bill, the bill that is now pending in the Senate on the security of tenure," ani Bello. 

(Nagkaisa kami na sa halip na pirmahan ng pangulo ang EO ay isesertipika na lang niya bilang prayoridad ang panukalang batas sa Senado ukol sa security of tenure.)

Sabi ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), tinalikdan na ni Duterte ang kaniyang pangako noong panahon ng kampanya.

"President Duterte will no longer sign the executive order on endo but will rather instead ratify the security of tenure bill now pending in Congress does not faithfully reflect the fulfillment of the promise of President Duterte to address the rampant abuse of short-term contractualization work arrangement,” saad ng pahayag ng ALU-TUCP.

Nauna nang sinabi ng Palasyo na hindi kakayanin ng EO lamang na wakasan nang tuluyan ang contractualization, kahit pa kabilang ito sa mga pangakong binitiwan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nangangampanya pa lang siya sa pagka-presidente.

Inasahan ang pagpirma ni Duterte sa EO noong Marso 15 hanggang sa nausog nang nausog ito.

Nito lamang Lunes, Abril 16, sinabi pa ng ALU-TUCP na makikipagpulong sila sa Palasyo para matunghayan ang pagpirma ng Pangulo sa EO.

Pero wala raw ito sa iskedyul ng pangulo, ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.

Tiniyak pa nga ni Roque kamakailan na magkakaroon ng pirmahan bago sumapit ang Labor Day sa Mayo 1.

"The President wants it as soon as possible. Labor Day is on May 1, so I would think it would come out on or before May 1," ani Roque.

PANUKALANG BATAS

Iginiit naman ngayon ng Malacañang na natupad na ng pangulo ang kaniyang pangakong mahihinto na ang endo.

"The President has already complied with his election promise to do away with '5-5-5 endo.' Ano ba kasi ang ibig sabihin ng 5-5-5 endo? 'Yon 'yong you work for five months, sisante ka na para hindi ka umabot ng six months para hindi ka ma-regular," paliwanag ni Roque.

Sinabi rin ng DOLE na pareho lang ang nilalaman ng EO sa panukalang batas na nasa Senado.

Ayon pa kay Bello, mas may proteksiyon ang mga manggagawa kapag naisabatas ang security of tenure bill dahil may kaakibat din itong parusa sa lalabag na employers.

Noong unang linggo ng Abril, inatasan ng DOLE ang dalawang fast food chain sa bansa na gawing regular ang halos 7,000 staff nito.

Noong Enero, lumusot sa Kamara ang panukalang batas na magwawakas sa endo.

Partikular na tinutukan ng naturang panukalang batas ang ilegal na kalakaran ng "labor-only contracting."

Kadalasan, sa ilalim ng labor-only contracting, sa halip na contractor ang direktang may hawak sa mga manggagawang ipinasok sa isang kompanya, mismong ang kompanya na ang may kontrol sa pagtatrabaho ng mga manggagawa ng contractor.

Ayon kay Atty. Claire Castro, isa sa mga pagtitiyak ng panukalang batas para hindi na mangyayari ang labor-only contracting ay ang pagbabawal na ipasok ang mga manggagawa ng job contractor sa trabahong nasa linya talaga ng negosyo ng kompanya.

Kunwari sa isang mall, hindi puwedeng ipaubaya ng pamunuan ng mall sa contractor lamang ang mga trabahong pang-saleslady at kahera dahil direkta itong may kinalaman sa operasyon ng mall.

Gayunman, puwedeng kumuha ang mall ng contractor na magsu-supply ng janitors dahil iyon ay trabahong hindi mismo nakaugnay sa operasyon ng mall.

Dagdag pa ni Castro, mas pinalaki na rin ang kinakailangang kapital ng isang job contractor at kailangan nang kumuha ng lisensiya.

Watch more in iWant or iWantTFC

'PAGLAYAS' NG EMPLOYERS

Nanindigan naman si Donald Dee, presidente ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), na hindi na kailangan ng bagong batas sa paggawa dahil sa ilalim ng DOLE Order 174 ay bawal na talaga ang kalakaran ng 5-5-5 o 'yong limang buwan lamang sa trabaho at tatanggalin na. 

Sapat na rin daw ang mga benepisyo ng mga empleyado.

Buwelta naman ni Renato Magtubo, chairperson ng Sanlakas, hindi sapat ang nilalaman ng naturang DOLE order para tiyakin ang direct hiring ng mga manggagawa ng kompanya.

"Ang laman ng DO 174 ay mahinang klase ng regulasyon para sawatahin ang laganap na agency-hiring o 'middle-man' sa pagitan ng principal employers at manggagawa," saad ng pahayag ni Magtubo.

Tingin naman ni Dee, kung natuloy ang pagpirma ni Duterte ay mauuwi ito sa paglayas ng mga negosyante sa Pilipinas ang utos.

"What we will see is also an exodus of our manufacturing industry. Kasi ang gagawin namin, hindi naman kami magsasara e... instead of working in the Philippines, we will work in one of the ASEAN [Association of Southeast Asian] countries," ani Dee.

Tinawag itong blackmail ni Magtubo.

"Ito ay malinaw na blackmail mula sa employers... hindi total ban ng contractualization ang labor-drafted EO," pahayag ni Magtubo. 

Aniya, hindi naman sila tutol sa mga legal na uri ng contractualization.

Makikinabang din naman ang mga negosyo sa hinaharap kung tuluyang mawawakasan ang endo.

Sa Mayo 1, kasabay ng ilang pagkilos na inoorganisa ng labor groups, magsasagawa rin ang DOLE ng job fair kung saan mahigit 79,000 trabaho ang maaaring apply-an.

-- Ulat nina Zen Hernandez at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.