Babaeng dinukot at isinakay sa van, nakatakas nang 'kagatin' ang salarin

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2018 09:22 PM | Updated as of Apr 19 2018 09:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang 18 anyos na babae mula Caloocan City ang nakatakas sa kamay ng mga taong dumukot sa kaniya matapos niyang kagatin ang kamay ng isa sa mga ito.

Kuwento ng biktima, dinukot siya ng mga salarin noong Linggo matapos manggaling sa paaralan para kuhanin ang kaniyang toga sa graduation.

"Biglang may parang umakbay sa'kin tapos may pinaamoy sa'kin sa panyo. Paggising ko, nandoon na ako sa loob [ng sasakyan]," aniya.

Apat na lalaki at isang babae umano ang mga salarin. May iba pang mga batang dinukot sa loob ng van, ayon sa biktima.

Umikot umano ang kanilang sasakyan sa North Caloocan hanggang San Jose Del Monte, Bulacan mula alas-tres ng hapon hanggang gabi.

Nang ibababa na silang mga dinukot na bata sa isang bakanteng lote, tinulak ng babae ang isa sa mga salarin at tumakbo patakas.

Binalikan pa ng biktima ang kaniyang toga at kinagat ang babae para tuluyang makatakas.

Binantaan ng mga salarin ang dalagita na babalikan siya.

Ipina-blotter na ng babae ang insidente sa kanilang barangay at iniulat na sa pulisya ng Caloocan at San Jose Del Monte.

Ayon sa Caloocan police, sinamahan nila sa pag-iikot ang biktima at binalikan na rin ang mga dinaanan ng van.

Iginiit naman ni Senior Superintendent Restituto Arcangel, hepe ng Caloocan police, na tututukan nila ang kaso.

"We have to take that seriously. I will give instruction do'n sa mga nagche-checkpoint na isama na rin doon sa pag-check 'yong mga van na dumadaan," ani Arcangel.

Inaalam na rin ng pulis kung nakuhanan ng CCTV ang insidente.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.