2 congressman ng CamSur, naghamunan dahil sa pagtatambak ng lupa

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2018 06:55 PM | Updated as of Apr 19 2018 09:25 PM

Naghamunan, nagmurahan at nagpalitan ng maiinit na salita ang dalawang kongresista mula sa Camarines Sur, Huwebes, dahil sa umano'y biglaang pagtatambak ng lupa sa isang daanan sa bayan ng Pili.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpang-abot sina Camarines Sur first district Rep. Rolando Andaya at second district Rep. L-Ray Villafuerte sa loob ng istasyon ng pulis habang nagsasampa ng reklamo ang ilang tauhan ng lokal na pamahalaan na binugbog umano ng ilang tauhan ni Andaya.

"Alalay ka lang e... Halika na dito," pambubuyo ni Andaya habang napapagitnaan ng mga body guard at pulis.

"O gusto mo pa ako halikan? Ikaw ata ang may problema," pamimilosopo ni Villafuerte.

"Pare, 'wag ka na magsalita, halika na dito. Halika dito, sasampolan kita," sigaw ni Andaya kay Villafuerte.

"O, palabasin ninyo ako," sagot ni Villafuerte.

Nag-ugat ang pagtatalo ng 2 pulitiko mula sa reklamo ng ilang residente ng Pili na tinambakan umano ng mga tauhan ni Camarines Sur Governor Migs Villafuerte ng lupa ang ilang daanan sa kanilang lugar.

Ang gobernador ay anak ni Cong. Villafuerte.

"May writ of possession po iyan (pagtatambak) sa kapitolyo, may agreement po iyan sa DOTr [Department of Transportation] at sa probinsya na aayusin iyan," giit ni Cong. Villafuerte.

Hindi natuloy ang palitan ng suntok ng 2 kongresista ngunit hindi pa rin malinaw kung ilang tauhan ni Andaya at Villafuerte ang sangkot sa bugbugan na naganap sa Pili.

Napapabalitang tatakbo ulit bilang kongresista si Villafuerte, habang balak naman umanong labanan ni Andaya ang nakababatang Villafuerte sa pagkagobernador sa susunod na halalan.

- ulat mula kay Gerard Lorbes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.