MAYNILA - Inilabas ng kampo ni Vice President Leni Robredo nitong Linggo ang bagong logo para sa kaniyang kampanya kung saan tampok ang mga kulay sa watawat ng Pilipinas.
Kabilang sa disenyo ang tatlong bituin at araw.
"Lahat kasama sa laban. Lahat ipinaglalaban. Lahat paglilingkuran. Lahat pakikinggan. Dalhin natin ngayon ang people's campaign upang lumikha ng people's government na tutupad sa pangarap ng bawat pamilyang Pilipino," ayon sa Facebook post ni Robredo.
Inilibas ang bagong logo matapos ang press conference nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Sen. Panfilo Lacson kung saan inengganyo siya ng alkalde na umurong sa presidential race.
"I am calling for Leni to withdraw, kasi whatever you're doing is not effective against the Marcos. Withdraw. Come and join us," ani Domagoso.
Ayon sa kampo ni Domagoso, sinagot lamang ng alkalde ang tanong ng media.
Hinikayat naman ng Bise Presidente na mangampanya na lamang ang kaniyang mga tagasuporta.