PatrolPH

Mga ospital sa Metro Manila umaapaw na umano sa pasyente

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2021 06:16 PM | Updated as of Apr 18 2021 06:17 PM

Mga ospital sa Metro Manila umaapaw na umano sa pasyente 1
Mga taong naghihintay sa labas ng Pasay City General Hospital noong Abril 9, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

MAYNILA — Sobra na o umaapaw na kung ilarawan ni Dr. Maricar Limpin ng Philippine College of Physicians ang sitwasyon sa mga ospital sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan dahil sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng COVID-19.

Ang ibang pasyente'y hindi na umano ma-admit at sa emergency room na nako-confine nang matagal.

"Ang talagang nangyayari nga, ang karamihan, sa emergency room pa lang ay nag-uumpisa na talaga ang mga gamutan... Nagiging parang ward na o ICU (intensive care unit) rooms kasi hindi namin sila mai-admit dahil wala talagang bakante," ani Limpin sa panayam ng TeleRadyo ngayong Linggo.

Ayon naman kay Health Undersecretary Leopoldo Vega, malapit nang maabot ang high risk category na 80 porsiyentong health care utilization rate (HCUR) sa Metro Manila.

Ani Vega, na nagsisilbi ring COVID-19 treatment czar, nasa 78 porsiyento na ang health care utilization rate sa Metro Manila.

"The HCUR for the hospital in NCR (National Capital Region) is nearing the threshold of high risk," ani Vega.

Bagaman, sa inilabas ng Department of Health na COVID1-9 case bulletin hapon ng Linggo, makikitang 84 percent ng mga ICU beds sa Metro Manila para sa COVID-19 ay gamit na.

Ang ward beds at ventilators ay parehong 63 percent nang gamit, at 72 percent naman sa mga isolation beds.

 

Ayon kay Vega, kailangan pang dagdagan ang mga pasilidad para sa COVID-19 patients at gawing mas agresibo ang mga hakbang sa pagpigil ng COVID-19.

Noong nakaraang linggo, inihayag ng pamahalaan na may 3,436 beds ang naidagdag sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal matapos maipatupad ang ECQ. Kinabibilangan ito ng 164 ICU beds, 2,227 beds para sa moderate at severe na kaso, at 1,045 beds para sa mild at asymptomatic.

Nanawagan naman si Limpin na palakasin ang contact tracing at gawing centralized ang mga digital contact tracing app.

Watch more on iWantTFC

Noong nakaraang buwan, isinailalim ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa pagsipa ng COVID-19 cases. Pero makalipas ang 2 linggo'y ibinaba rin ito sa mas maluwag sa modified ECQ.

Ngayong Linggo, nakapagtala ang Department of Health ng 10,098 dagdag na kaso ng COVID-19 para sa kabuuang 936,133 kumpirmadong kaso sa bansa.

Sa bilang na iyon, 141,089 ang active cases.

Nakapagtala rin kasi ang DOH ng 72,607 bagong gumaling sa sakit, ang pinakamataas na bilang ng recoveries sa isang araw. Dahil dito, umakyat sa 779,084 ang total recoveries.

Nasa 150 naman ang dagdag na namatay sa COVID-19 para sa kabuuang death toll na 15,960.

Nauna nang sinabi ng mga eksperto na maaaring pumalo sa 1 milyon ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa sa katapusan ng Abril.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.