Higit P37 milyon halaga ng umano'y marijuana nasabat sa Kalinga

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2021 04:35 PM

Nasabat ng mga awtoridad ang sako-sakong marijuana bricks sa Tabuk City, Kalinga, Abril 18, 2021. Retrato mula sa Kalinga Provincial Police Office

Aabot sa higit P37 milyon halaga ng umano'y marijuana ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Tabuk City, Kalinga nitong umaga ng Linggo.

Ayon sa Kalinga police, nagkasa sila ng operasyon matapos makatanggap ng text message tungkol sa marijuana na iba-biyahe mula sa bayan ng Tinglayan.

Nagtatag sila ng checkpoint sa Barangay Lacnog, Tabuk na sinasabing dadaanan ng SUV na may dala ng marijuana.

Pero ilang metro bago makarating sa checkpoint ay biglang nag-iba ng direksiyon ang SUV.

Hinabol ng mga pulis ang saskayan kaya lang nadatnan na itong abandonado ng driver.

Tumambad sa mga awtoridad ang 8 sako na naglalaman ng umano'y 311 marijuana bricks na may timbang na 331 kilo.

"Itong suspek ay isa rin sinusubaybayan namin," sabi ni Kalinga police director Col. Davy Limmong.

Nakilala na ang SUV driver, na ngayo'y patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad. Tinutugis rin ang mga kasama ng driver.

-- Ulat ni Harris Julio

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.