PatrolPH

TanodCOVID: Contact tracing platform na maaaring gamitin ng LGUs inilunsad

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2020 04:49 PM

TanodCOVID: Contact tracing platform na maaaring gamitin ng LGUs inilunsad 1
Maaaring ipagamit ng mga lokal na pamahalaan ang contact tracing platform na TanodCOVID sa kanilang mga residente para mas mabilis na mapaulat ang mga pasyenteng hinihinalang may coronavirus disease 2019. Screengrab

MAYNILA--Naglunsad ng application ang Department of Science and Technology para matunton ang mga bilang ng may mga sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bisa ng contact tracing, na pinaininiwalaang nakakatulong sa paghahanap ng mga may sintomas ng nakamamatay na sakit.

Ito ang TanodCOVID, isang uri ng contact tracing platform na maaaring gamitin ng mga lokal na pamahalaan para masuri kung sino sa kanilang mga kinasasakupan ang posibleng dinapuan ng COVID-19.

Ibinuo umano ito ng mga researcher mula Ateneo De Manila University, Department of Health, University of the Philippines, at DOST, ayon sa DOST sa isang pahayag nitong Sabado, Abril 18.

Para magamit ang TanodCOVID, dapat munang mag-aplay ang mga LGU at makipag-ugnayan sa ahensiya.

Kapag naikasa na ito sa isang siyudad o lalawigan, maaaring gawin ng mga residente ang mga sumusunod:

  • Mag-send ng mensahe ang residente sa itinalagang number ng LGU para sa TanodCOVID gamit ang kanilang cellphone number.
  • Dito, dapat sabihin ng residente kung nakakaramdam siya ng mga sintomas ng coronavirus gaya ng pag-ubo, sipon, hirap sa paghinga, pagtatae, at iba pa.
  • Dapat ding sabihin ng residente ang kaniyang address.
  • Pagka-send ng mensahe, asahan dapat ang tawag mula sa isang opisyal na hihingi ng mga impormasyon patungkol sa nararanasang sakit.

Libre ang mag-send ng mensahe at mag-reply sa serbisyo. Sakaling mag-iba ang sintomas, maaaring magpadala muli ng mensahe.

Sa isang press release, iginiit ng DOST na mahalaga ang papel ng lokal na pamahalaan sa pagsasagawa ng mass testing.

"When used by an LGU, TanodCOVID will help the local officials and the Department of Health in contact tracing of possible and suspected COVID-19 cases and decide on areas where mass testing must be administered," anila.

Simula Biyernes, Abril 17, nasa 5,878 na ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Dito, Aabot sa 487 ang nakarekober habang 387 naman ang namatay sa sakit.

Kasalukuyang naka-enhanced community quarantine ang Luzon at ilan pang lalawigan at siyudad sa labas nito para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.