Pampanga handa na sa mass testing ng COVID-19

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2020 02:19 AM

Handa na ang Pampanga para magsagawa ng mass testing ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon kay Gov. Dennis Pineda.

Ito'y matapos mag-donate ang isang negosyante ng makina na may kakayahang makapagtest gamit ang polymerase chain reaction (PCR).

“May PCR machine na po tayo, hawak na po natin ito, hinihintay na lang po natin matapos ang regional hospital na ma-train ang mga tao na magproprocess nitong testing,” ani Pineda.

Pansamantala itong ilalagay sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital at ipapagamit din sa ibang probinsya ng Central Luzon.

Ang mga kawani ng nabanggit na ospital ay sasanayin ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

May 1,000 test kit na rin ang probinsya na nasa V. Luna Medical Center, Quezon City.

Mas mahigpit na quarantine protocols amg ipinatutupad na rin sa mga palengke sa probinsya.

Kailangang nang pumila ang mga mamimili para makuhanan ng body temperature at obligado ang pagsuot ng facemask at paghugas ng kamay gamit ang portable lavatory sa loob ng decontamination tents.

Hinihikayat din na magsuot ng facemask at gloves ang mga magtitinda.

Sinuyod din ng mga pulis ang iba't-ibang mga bodega ng National Food Authority at Department of Social Welfare and Development.

Isinabay na rin ang pag-monitor sa mga namimili sa mga supermarkets kung napapatupad ang physical distancing, mandatory facemasks at quarantine pass.

Kasama ang Department of Trade and Industry, sinuri din ang presyo ng mga basic commodities at kung sapat ang supply ng mga ito sa merkado. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.