Nasa 150 'suspected' na pasyente ng COVID-19 sa Quezon City, sasailalim sa community-based testing

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2020 05:23 AM

Nasa 150 "suspected" na pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na may sintomas ng naturang sakit ang sasailalim sa community-based testing sa Quezon Memorial Circle, Quezon City ngayong Sabado.

Ayon kay Project Director Joseph Juico, ang mga sasailalim sa COVID-19 test ay batay sa rekomendasyon ng QC Health Department, sa tulong ng koordinasyon sa mga barangay. 

Ipadadala sa Research Institute for Tropical Medicine ang samples at inaasahang lalabas ang resulta sa loob ng 3 hanggang 5 araw.

Ayon kay Dr. Rolando Cruz, head ng Epidemiology and Surveillance Unit ng QC Health Department, kapag nagpositibo ang pasyente, agad siyang i-rerefer sa pasilidad ng lungsod para sa COVID-19 patients.

Kapag negatibo, papayagan silang makauwi pero sasailalim sa 14-day self quarantine. 

Swab booths ang gagamitin sa testing upang bawasan ang exposure ng health workers at maging mga pasyente. 

Nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa gated communities at homeowners associations upang masimulan na ang COVID-19 testing at matukoy ang suspected cases sa kanilang mga lugar.

Samantala, ayon kay Cruz, karagdagang 1,500 testing at extraction kits ang ibibigay ng Philippine Red Cross sa mga susunod na araw.

Ongoing na rin ang procurement ng lungsod sa 10,000 swabs at universal transport media kits. 

Para sa mas mabilis na paglalabas ng mga resulta, isinasapinal na ang partnership ng QC sa St. Luke’s at Lung Center of the Philippines.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.