Mga mangingisda sa Cavite magbibigay ng relief packs sa mga kapwa mangingisda

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2020 12:28 PM | Updated as of Apr 18 2020 09:42 PM

MAYNILA - Sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19, nananaig pa rin ang kabutihan ng mga Pilipino. 

Isang grupo ng mga mangingisda ang mamimigay ng mga food packs sa mga kapwa mangingisda sa isang fishing community sa Bacoor, Cavite bilang pakikiisa nila at pagtulong sa panahon ng enhanced community quarantine, kung saan marami ang nawalan ng kabuhayan. 

Pinangunahan ng fisherfolk group na Pamalakaya at Youth Advocates for Climate Action ang pagbili ng gulay direkta sa mga magsasaka sa San Jose del Monte, Bulacan. 

May mga talong, kalabasa at okra na nairepack kasama na rin ang bigas para mabigay sa mga mangingisda sa Barangay Maliksi 3 na isang mahirap na fishing community sa Bacoor. 
    
Ngayong Sabado pupuntahan ng grupo ang barangay para mamigay ng nasa 500 packs ng relief goods sa mga apektadong pamilya.

Kumakatok ang grupo sa mga Pilipino na mag-sponsor ng pamilya sa donasyong P500. Para sa detalye, tingnan ang Facebook page ng Youth Advocates for Climate Action Philippines.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.