Dagdag na P2B para sa mga residente, aprubado na sa Taguig

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2020 05:46 AM

Inanunsyo ni Taguig Mayor Lino Cayetano na napasa na ang higit P2 bilyong supplemental budget para makatulong sa publiko ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Hahatiin ang dalawang bilyon piso sa dalawang parte. Ang unang isang bilyon ay mapupunta sa Taguig Amelioration Program. 

Ayon kay Cayetano, ang sakop lang ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay 102,000 pamilya, pero ang bilang ng mga pamilya sa Taguig ay umaabot sa 270,000. 

Kaya may higit 160,000 pamilya ang hindi mabibigyan ng cash mula sa national government. 

Pero sa ilalim ng Taguig Amelioration Program, may dagdag pondo na para mabigyan ang lahat ng pamilya ng financial assistance. 

Aabot sa P4,000 bawat pamilya ang ibibigay sa mga pamilya na hindi sakop ng SAP. Ayon sa alkalde ito ay para sa lahat ng taga-Taguig kahit ano pa ang antas sa buhay. 

Ang pangalawang isang bilyon naman ay mapupunta sa mga programang medikal at pamimigay ng relief packs. 

Naghahanda ang lungsod sakaling dumami pa ang kaso ng COVID-19 at magsasagawa na rin sila ng barangay-based testing sa susunod na linggo, ayon kay Cayetano 

Tuloy-tuloy rin aniya ang pamimigay ng food packs sa mga residente. 

Bukod sa Taguig, nagpasa na rin ng supplemental budget ang iba pang lungsod sa Metro Manila gaya ng Pasig at Quezon City. Marami pa kasi sa mga pamilya ang hindi sakop ng Social Amelioration Program ng DSWD, kaya kinailangan magdagdag ng pondo ang mga lokal na pamahalaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.