‘Akala nila wala lang ’yun’: Mga residente ng Sitio Zapatera hirap sa pag-unawa sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2020 10:06 PM

MAYNILA--Sa kabila ng mataas na kasong naitala sa isang lugar sa Cebu City, hirap pa rin ang mga health worker na magpasunod ng batas para hindi na tuluyang kumalat pa ang nakahahawang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Dr. Daisy Villa, hepe ng Cebu City Health Office, agad silang gumawa ng selective massive testing matapos magpositibo ang isang residente sa Sitio Zapatera sa Barangay Luz.

“Na-establish na natin na epidemiologically, na ’yung virus is really evident in that area,” pahayag ni Villa.

Sa lahat ng kanilang mga na-swab, 135 sa mga ito ay nagpositibo sa COVID-19 bagamat marami ang asymptomatic.

“ ’Yung mga positive kinukuha natin ’yung symptomatic na doon. Meron tayong in-establish na quarantine area, ’yung katapat na school within the barangay,” sabi ni Villa sa panayam sa DZMM Sabado.

Dahil dito, isinailalim ang lugar sa total lockdown pero maging ito ay tila naisasawalang-bahala umano ng mga residenteng patuloy na labas nang labas ng kanilang mga bahay.

“Ibinigay natin ’yung basic commodities doon. Nag-instruction tayong ’wag lumabas ng bahay at mag-mask talaga. Pero ang mga tao matitigas talaga ang ulo. Hindi sila nagma-mask, palagi silang lumalabas at walang social distancing,” sabi niya.

Bagamat ibinibigay naman ng gobyerno ang pangangailangan ng mga residente para manatili na lamang sila sa kanilang mga bahay, patuloy pa rin silang lumabas.

“Talaga lang gusto nilang lumabas kasi nga slum ang area doon, mainit ang bahay, walang electric fan. Akala din nila normal lang din ’yung flu na ’yun, kaya nila, kasi ’yung mga natesting namin walang sintomas, akala nila wala lang yun,” sabi niya.

Sabi ni Villa, sasailalim ulit sa testing ang mga naka-quarantine na residente matapos ang 14 to 21 days.

Laking pasalamat ng doktor sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan at donors para sa mga ginagamit na personal protective equipment ng kanilang health workers.

Ihiningi na rin ni Villa ng tulong ang mga residente lalong-lalo na iyong may mga anak para sa supply ng gatas at diaper.

“Kung nakikinig lang sana sila hindi sana tayo aabot sa ganito,” sabi ni Villa.

Pero sa kabila nito, mainam pa rin umanong maging mapagpasensiya hanggang sa matutunan ng tao ang sumunod.

"Hindi basta-basta ang virus na ito. Nahihirapan na talaga kami sa pagpapaintindi pero still we have to do it kasi health workers kami, ito ang dapat naming gawin,” sabi niya.

Nais nilang ma-contain na lamang sa lugar ang virus at hindi na makaapekto pa ng ibang barangay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.