5 lalaking dawit sa paggamit ng ayudang nakuha sa gobyerno para sa sabong, droga tiklo

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2020 05:51 PM

BACOOR, Cavite--Arestado ang limang lalaki sa siyudad na ito na ginamit umano ang mga nakuhang ayuda mula sa gobyerno sa pagsasabong at sa iligal na droga sa mga operasyon ng pulisya sa nakalipas na linggo.

Unang naaresto ang 4 na lalaking pinangsabong umano ang kanilang natanggap na pera sa Barangay Zapote V noong Abril 14.

Dalawa sa mga inaresto ay nakatakda dapat tumanggap ng P6,500 kinabukasan. Pero dahil sa nangyari, diskwalipikado sila at kinasuhan pa ng illegal gambling.

Sunod na inaresto noong Abril 16 ang isang residente ng Barangay Niog III sa pagbili umano ng ilegal na droga.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Bayanihan to Heal as One Act ang kahaharapin ng suspek.

Nababahala ang Bacoor City Police sa mga sumbong umano na dumarami ang mga nagsasabong matapos makatanggap noong P6,500 ng social amelioration program ng gobyerno.

Paalala ni Bacoor Mayor Lani Mercado Revilla, gamitin nang maayos ang nakuhang ayuda.

Dahil sa insidente, mahigpit na umanong sinusuri ng lokal na pamahalaan kung sino ang mga karapat dapat na makatanggap ng ayuda sa programa. --Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.