429 residente na na-stranded sa Cebu, nakabalik na sa Negros Oriental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2020 06:32 PM | Updated as of Apr 18 2020 10:46 PM

Higit 400 residente ang nakabalik na sa Negros Oriental matapos ma-stranded sa Cebu noong Marso 29. Matatandaang isinailalim sa lockdown ang Negros Oriental dulot ng COVID-19 noong araw na iyon. Kuha ni Raffy Cabristante

(UPDATE) Nakabalik na sa Negros Oriental ang 429 na mga residente ng probinsiya matapos silang ma-stranded sa bayan ng Samboan, Cebu.

Hindi na nakabalik agad ang mga ito mula nang magsara ng border ang Negros Oriental noong Marso 29.

Dumating sa port ng San Jose sa Negros Oriental ang mga pasahero Sabado ng hapon sakay ng RoRo vessel.

Wala umanong dapat ikabahala ang publiko, ayon kay Dr. Liland Estacion, assistant provincial health officer, dahil sumailalim na sa 14-day quarantine ang mga residenteng na-stranded sa isang paaralan sa Samboan.

Hindi rin umano sila pinabayaan ng pamahalaan ng Negros Oriental.

Dagdag ni Estacion, muling sasailalim sa 14-day quarantine ang mga kakarating na resident, sa mga quarantine areas ng kanilang mga lungsod at bayan.

Mananatiling nasa enhanced community quarantine ang Negros Oriental hanggang sa katapusan ng buwan.

Samantala, nakabalik na rin ang 474 residente ng Negros Island sa kanilang mga bahay matapos ma-stranded sa Iloilo.

Ang 41 sa mga ito ay mga construction worker na bitbit ang mga pala at ilang mga gamit sa kanilang pag-uwi lulan ng RoRo vessel sa Bredco port sa lungsod Bacolod.

Na-stranded ang mga nasabing trabahador sa Iloilo simula nang ipinatupad ang hiwalay na enhanced community quarantine sa probinsya ng Negros Occidental. -- May ulat ni Nico Delfin, ABS-CBN News