2,000 pamilya nawalan ng bahay sa sunog sa Happy Land sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2020 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Siksikan na evacuation centers, banta ng COVID-19 pinoproblema ng mga residente

Aabot sa mahigit 2,000 pamilya ang nawalan ng bahay sa sunog sa Happy Land sa Barangay 105 sa Tondo, Maynila, nitong Sabado.

Bandang alas-7:32 ng umaga unang iniulat ang sunog, na itinaas sa Task Force Bravo.

Kani-kaniyang takbo ang mga residente, tangay ang mga gamit na kayang bitbitin.

Nagtulungan din ang ilang residente sa pag-apula sa apoy. Pahirapan ang pagpasok ng mga firetruck dahil makitid ang daan, ayon kay Guillermo Firmalino Jr., chief ng intelligence and investigation section ng Manila Fire District.

Alas-9:41 ng umaga idineklarang fire-out ang sitwasyon na nagtala ng P1.2 milyong halaga ng pinsala.

Iniimbestigahan kung electrical ang naging sanhi ng sunog, na nagsimula sa ika-2 palapag ng isang bahay.

Problema ngayon ng mga residente ang kakulangan ng evacuation center at ang kawalan ng physical distancing dahl sa kawalan ng puwesto.

Sa 2 covered courts nananatili ang mga residente pero may iilang gusaling inilaan para sa mga apektadong pamilya.

Gayunman, hindi pa rin magkasya ang mga tao.

Nagsasagawa sa ngayon ng mopping operation ang mga awtoridad sa mga nasunugan sa siyudad.

Dumadaing ang ilang residente gaya ni Cleofe Avila, na may anak na may special needs.

"Wala kaming mga trabaho dahil sa lockdown. Sa pagkain nga kapos na kami. Sana matulungan kami rito sa madaling panahon," ani Avila.

Wala pang kaso ng COVID-19 sa barangay pero nasunog din ang mga face mask ng mga residente.

Bukod sa mga covered court, may 34 temporary housing ang pagdadalhan sa mga kailangan i-relocate.

-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.