Trak bumangga sa mga motorcycle rider na pa-Visita Iglesia; 4 patay

Yohanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2019 04:32 PM | Updated as of Apr 18 2019 05:03 PM

Nauwi sa trahedya ang sana’y Visita Iglesia ng isang grupo ng motorcycle riders mula sa bayan ng Macabebe, Pampanga matapos silang banggain ng isang wing van truck sa MacArthur Highway sa Brgy. San Isidro sa bayan ng Paniqui, Tarlac nitong Huwebes Santo.

Base sa kuha ng dashcam video, makikitang bumabaybay ang mga motorcycle rider sa kalsada nang sumalubong sa kanila ang isang trak.

Agad nang namatay ang apat na katao, na kinabibilangan ng isang 16 anyos na lalaking biktima nang diretsahan silang salpukin ng trak.

Kinilala ang mga namatay na rider na sina Marlou Mendoza, Ronnel Hernandez. Patay rin ang angkas nilang 16 anyos na biktima at ang isang Annabelle Santos.

Sugatan ang apat na iba pa na sina Loverich Dela Cruz, Analizabeth Hipolito, Ernard Fresnido, at Raquel Buama.

Ayon sa kapatid ni Mendoza na si Marlon, taon-taon nilang ginagawa ng kanilang grupo ang Visita Iglesia tuwing Semana Santa.

Pupunta sana sila sa bayan ng Manaoag, Pangasinan nang mangyari ang aksidente.

“Masakit po, hindi akalain, ngayon lang nangyari sa amin, taun-taon nagbi-Visita Iglesia kami, maingat naman kami, siya lang talaga ang hindi maingat,” ani Mendoza.

Arestado ang drayber ng trak na si Andres Bobis, na aminadong nakaidlip siya dahil mula Laguna pa ang kaniyang biyahe.

“Hindi ko na alam nangyari, kasi parang nakaidlip ako nang konti. Sorry po kung anong nangyari, hindi ko naman sinasadya, kahit ako naiyak na ako, talagang hindi ko ho sinasadya, nakapatay ako,” aniya.

Sasampahan ng kasong multiple homicide, multiple physical injuries at multiple damage to property si Bobis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.